Parolado pinatay sa gulpi

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Isang 43-anyos na parolado ang iniulat na nasawi matapos na gulpihin ng kanyang mga kainuman ng alak sa lamayan sa Barangay Mabato sa bayan ng San Miguel, Catanduanes, kahapon ng madaling-araw. Napuruhan sa ulo ang biktimang si Felinor Camacho.

Samantala, tugis naman ng pulisya ang mga suspek na sina Ricky Tindogan, 35; Joey Talag, 28; at Antonio Bernal na pawang naninirahan sa nabanggit na barangay. Napag-alamang lango na sa alak ang mga suspek at biktima nang magkabiruan. Napikon naman ang isa sa mga suspek sa tinuran ng biktima kaya nagalit ito hanggang sa maganap ang insidente. (Ed Casulla)

Show comments