Animoy isang natustang hayop ang buong katawan at halos hindi na makilala ang bangkay ng biktimang si "Baby Jean" matapos marekober ng mga tauhan ng Olongapo City Fire Department ang sunog nitong bangkay.
Kritikal namang isinugod sa James L. Gordon Memorial Hospital (JLGMH) sa nasabing lungsod ang nakatatandang kapatid ng biktima na nakilalang si Michael Angelo Andreon, 2-anyos, matapos magtamo ito ng 2nd at 3rd degree burn sa ibat ibang parte ng kanyang katawan at ngayon ay isinasailalim sa isang major surgery operation sa Intensive Care Unit (ICU).
Kasalukuyan namang pinaghahanap ng pulisya ang suspek na ama ng mga biktima na kinilalang si Rudy Andreon, 28, na mabilis na tumakas matapos ang pagkasunog ng kanilang tinutuluyang bahay sa may Manga St., Purok 3, Brgy. New Cabalan ng naturang lungsod.
Sa isinumiteng report kay Olongapo City Police Office (OCPO) Director P/Sr. Supt. Florencio T. Buentipo Jr., dakong alas-6:45 ng gabi ng yayain umano ang suspek na makipag-inuman sa kapitbahay hindi kalayuan sa bahay nito.
Nabatid na hiwalay sa asawa ang suspek at walang mga kamag-anak na mapapaghabilinan at mag-aaruga sa kanyang dalawang mga anak kapag lalabas ito at makikipag-inuman kung kayat ikinandado at ipinadlock na lamang nito ang kanyang mga anak sa loob ng kuwarto ng kanilang bahay.
Sinabi pa sa report na kasamang iniwanan ng naturang ama sa tabi ng nasawing sanggol ang isang nakasinding lampara na pinaniniwalaang natabig ng batang lalaki na naging mitsa ng sunog. (Jeff Tombado )