Bakbakan ng militar at Sayyaf: 23 patay

Umaabot na sa 23 katao ang death toll sa ikatlong araw matapos na sumiklab ang umaatikabong bakbakan sa pagitan ng tropa ng militar at ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa lalawigan ng Sulu, ayon sa ulat ng mga opisyal kahapon.

Ayon kay Brig . Gen. Alexander Aleo, Commander ng Joint Task Force Comet, 7 sa mga nasawi ay mga sundalo at 21 pa ang nasugatan.

Tinataya namang 16 ang napatay sa panig ng mga bandidong Abu Sayyaf habang hindi pa madetermina ang mga nasugatan.

Batay sa report ang sagupaan sa pagitan ng militar at ng grupo ng mga bandido sa pamumuno ni Commander Radulan Sahiron ay nag-umpisa simula pa nitong Biyernes matapos umatake ang mga bandido sa himpilan ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 9 sa bayan ng Indanan ng lalawigan.

Ang Abu Sayyaf ay ang grupo ng mga ektremistang Muslim na may ugnayan sa Al Qaeda terror group na sangkot sa serye ng pambobomba sa rehiyon ng Mindanao.

Sinabi naman ni AFP-Public Information Officer Col. Tristan Kison na patuloy na binobomba ng tropa ng mga sundalo ang kinaroroonan ng mga bandido

" Enemy position is being bombarded by our troops", anang opisyal na nagsabi pang nakahanda ang kanilang tropa sakaling umabot sa kanugnog na bayan ng Panamao ang sagupaan.

Show comments