Kinilala ni P/Chief Supt. Jesus Verzosa, Calabarzon PNP director, ang nasakoteng lider ng gang na si Claudio Quintela, at mga henchmen nitong sina Dindo Piodena, 31; at Gerry Guerra, 34.
Narekober mula sa mga suspek ang dalawang baril, isang kutsilyo at mga personal na kagamitan ng mga hinoldap na biktima kabilang ang malaking halaga, mga alahas at cell phone.
Ayon kay Verzosa, ang mga suspek ay nasakote sa checkpoint sa Calauan, Laguna matapos holdapin ang isang Nissan Urvan (XCH 771) na may rutang Alabang-Lucena City.
Napag-alamang pinababa ang mga pasahero sa bahagi ng Sitio Bitukang Manok, Atimonan, Quezon saka tinangay ang nasabing sasakyan patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Nang mabatid ang insidente ay agad na nag-flash alarm ang pulisya laban sa tinangay na sasakyan na naispatan sa checkpoint kahapon ng umaga na nagresulta sa pagkakadakip sa hindi na nakapalag na mga suspek.
Sa tala ng pulisya ang grupo ng mga suspek ay responsable sa serye ng robbery/holdap sa mga bumibiyaheng van at FX sa bahagi ng CALABARZON at maging sa Metro Manila. (Joy Cantos)