Sa ulat ni Police Regional Office (PRO) 3 Director Chief Supt. Alejandro Lapinid, kinilala ang biktima na si Ricardo "Ric" Ramos, 45, presidente ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union (CATLU).
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na si Ramos ay kasalukuyang nakikipag-inuman ng alak sa kaniyang mga kaibigan sa loob ng compound ng kanilang tahanan sa Mapalacsiao Village , Tarlac City, dakong alas-10 ng gabi.
Bigla na lamang umanong sumulpot sa likurang bahagi ng nasabing compound ang gunman na armado ng M 14 rifle at nilapitan ang biktima saka pinagbabaril.
Napag-alamang bago ang pamamaslang, ay ipinagdiwang pa ng grupo ni Ramos ang desisyon ng pangasiwaan ng Hacienda Luisita na ibigay sa mga manggagawa ang kanilang mga "back wages" matapos ang 11-buwang pakikipaglaban.
Nabatid na nakatanggap ng P8 milyon "back wages" nitong nakalipas na Martes ang mga manggagawa ng CATLU.
Kaugnay nito, bumuo na ng Task Force Ramos si PNP Chief Director General Arturo Lomibao para imbestigahan ang pamamaslang kay Ramos.
Ayon naman kay AFP-NOLCOM Command Spokesman Lt. Col. Preme Monta na walang basehan ang akusasyon ni Bayan Muna Partylist Representave Satur Ocampo na ang militar ang may kagagawan sa pagpatay sa biktima.
"We deny that. It is not the policy of Nolcom to kill people like Ramos," ani Monta na nagsabi pang may mga grupong ibig lamang wasakin ang AFP upang muling pag-alabin ang tensiyon sa naturang sugar mill. (Joy Cantos)