3 CAFGU niratrat ng NPA rebels

Camp Crame – Dalawang kasapi ng CAFGU Active Auxiliary (CAA) ang nasawi habang isa pa ang nasa kritikal na kondisyon makaraang ratratin ng limang armadong lalaki na hinihinalang kasapi ng liquidation squad ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) habang kumakain sa loob ng isang restaurant sa Mawab, Compostella Valley kamakalawa.

Dead-on-the-spot sa insidente ang mga biktimang kinilalang sina Roberto Almero at Jimmy Cañete matapos na matadtad ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kasalukuyan namang inoobserbahan sa pagamutan ang isa pa ng mga itong kasamahan na nakilala namang si Ronald Encan, nasa malubhang kalagayan sa tinamong mga tama ng bala sa tiyan.

Batay sa report, dakong alas-11:45 ng tanghali habang ang mga biktima na pawang nakatalaga sa Andili detachment ng Army’s 72nd Infantry Battalion (IB) ay kasalukuyang nagpapatrulya sa bisinidad ng Brgy. Andili sa bayan ng Mawab nang maisipang kumain muna sa Andili Restaurant sa nasabing lugar.

Gayunman, sinundan ang mga ito ng limang rebelde at habang kumakain ay niratrat ang nasorpresang mga biktima na hindi na nakuhang gumanti ng putok.

Ilang saglit pa ay nakita ang mga rebelde na mabilis na tumatalilis sa nasabing lugar habang agad namang isinugod sa pagamutan ang sugatang CAFGU sa pag-asang maisasalba pa ang buhay nito.

Ang bangkay ng dalawang CAFGU ay dinala na sa Mawab Funeral Parlor para maisailalim sa awtopsya. (Joy Cantos)

Show comments