Shootout sa quarrying: 2 patay, 1 pa grabe

Talisay, BatangasTatlong trabahador ng isang quarrying operation ang nagbarilan na ikinasawi ng dalawa sa mga ito samantalang isa naman ang nasa kritikal na kondisyon matapos ang mainitang pagtatalo sa lungsod na ito kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Chief Inspector Felix Sarsozo, hepe ng Talisay PNP ang mga nasawi na sina Pablito Mendoza, 60; at Cristino Caringal, 44, malapit na magkaibigan at kapwa residente ng Brgy. Caloocan habang grabe namang sugatan si Sergio Malabanan, 40, ng Barangay Leynes sa nabanggit na bayan.

Ayon sa report, bandang alas-8:30 ng gabi noong Linggo ng mag-abot sa isang inuman ang tatlong trabahador sa bahay ng isang Severino Rimas sa Brgy. Leynes para sa isang okasyon hanggang sa mauwi ito sa madugong engkuwentro.

Batay sa salaysay ng mga saksi, masayang nag-iinuman ang mga trabahador ng maungkat ang isang alitan na matagal ng nangyari sa pagitan ni Caringal at Malabanan.

Nagkasumbatan umano ang dalawa nang sisihin ni Malabanan ang kapatid ni Caringal na siya umano ang nagpatanggal sa trabaho nito sa quarrying operation at biglang binunot ni Mendoza ang kanyang cal. 45 pistol at pinagbabaril si Malabanan na tinamaan sa tuhod at tiyan.

Bagamat sugatan, nagawa ring bumunot ng baril si Malabanan at sunud-sunod na pinaputukan ang magkaibigang Mendoza at Caringal hanggang sa mapatay ang mga ito.

Kasalukuyan namang nagpapagamot sa CP Reyes Hospital sa Tanauan City si Malabanan habang inihahanda ang mga kaso laban sa kanya.

Show comments