SM Batangas ninakawan

BATANGAS CITY – Pinasok ng mga magnanakaw ang tatlong stalls ng cellphone sa isang sangay ng Shoemart sa Batangas City kahapon ng madaling- araw.

Ayon sa report ni P/Supt. Nilo Anzo, hepe ng Batangas City PNP, tinatayang ganap na alas-3:40 hanggang alas-6 ng umaga nang pasukin ng hindi pa malamang bilang ng magnanakaw at tangayin ang mga gadgets ng cellphones sa stalls ng Games and Gadgets, Globe at Smart sa 2nd floor ng nabanggit na mall.

Sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Julian De Castro, may hawak ng kaso, humigit kumulang sa P60,260.00 ng halaga ng cellphones units ang nakuha sa Games and Gadgets habang ang mga dummy cellphones naman ang natangay ng mga suspek mula sa Globe and Smart na higit din sa P10,000 ang halaga.

Nabigo namang makuha ang mga tunay na cellphone units ng Globe at Smart dahilan sa naka lagay ito sa loob ng vault ng tindahan na nabigong buksan ng mga magnanakaw.

Tumakas ang mga suspek matapos sirain ng mga ito ang ceiling ng mall at doon dumaan papalabas at pinaghihinalaan doon ding pumasok para isagawa ang pagnanakaw. (Arnell Ozaeta)

Show comments