2 tiklo sa nakaw na P.7M computer chips

CAVITE – Dalawang sibilyang lalaki ang dinakma ng mga tauhan ng pulisya makaraang makumpiskahan ng nakaw na P.7 milyon computer chips sa parking lot ng department store sa Barangay Zone 4 sa bayan ng Dasmariñas, Cavite kamakalawa. Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal ang mga suspek na sina Rodel Tarrobago, 27, operator ng Intel Tech. Phils. At naninirahan sa Barangay Victoria Reyes; at Erickson Lainez, 27, ng Barangay Vista, General Trias, Cavite.

Base sa pagsisiyasat ni PO3 Antonio Galauran, ganap na ika-10 ng gabi nang makatanggap ng impormasyon ang pulisya na may kahina-hinalang Besta Van (WSN 365) na nakaparada sa parking lot ng Walter Mart Department Store sa nabanggit na lugar.

Agad na tinungo ng pangkat ng pulisya ang kinaroroonan ng van at nang sitahin at komprontahin ang mga suspek ay hindi na nakapalag pa.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang baril na may 10-bala at 44 na pirasong computer chips na nagkakahalaga ng P704,000 na pinaniniwalaang ipinuslit at tangkang ibenta. (Cristina Timbang)

Show comments