100 kilong pampasabog nasabat

CAMP AGUINALDO — Tinatayang aabot sa 100 kilong kemikal na sangkap sa pampasabog ang nasamsam ng militar sa isinagawang raid sa pinagkukutaan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Tanay, Rizal, kamakalawa.

Sa nakalap na ulat mula sa tanggapan ni Army chief Lt. Gen. Hermogenes Esperon Jr., narekober ng mga operatiba ng Army’s 4th Explosive Ordnance Detachment at Army intelligence, ang mga kemikal ng pampasabog sa safehouse ng NPA sa bahaging sakop ng Sitio Balimbing, Plaza Aldea sa nabanggit na bayan dakong alas-10:30 ng umaga.

Ayon kay Army Spokesman Major Bartolome Vicente Bacarro, ang kemikal na itinuturing na sangkap sa pampasabog ay nakalagay sa dalawang kahon na tumitimbang ng 50 kilo kada isa.

Napag-alamang may natanggap na intelligence report ang mga sundalo na may nakaimbak na kemikal na sangkap sa pampasabog ang mga rebelde sa nasabing safehouse kaya agad nagsagawa ng operasyon ang tropa ng militar

Gayon pa man, mabilis na nakatakas ang nagmamantine sa nasabing safehouse matapos matunugan ang presensiya ng tropa ng militar.

Dinala na sa himpilan ng Army’s 2nd Infantry Division (ID) sa Tanay, Rizal ang nasamsam na kilu-kilong sangkap sa paggawa ng eksplosibo para sa kaukulang disposisyon.

Magugunita na nitong nakalipas na linggo ay tinaniman ng landmine ng mga rebelde ang highway na daraanan ng tropa ng pamahalaan sa Sapang Dalaga, Misamis Occidental at kasabay ng pagsabog ay niratrat ang behikulo ng militar na ikinasawi ng limang kawal at tatlo sa panig ng sibilyan sa madugong ambus. (Joy Cantos )

Show comments