CAVITE Sinaksak at napatay ang isang 25-anyos na obrero ng kanyang kainuman ng alak matapos na mapikon ang huli sa ginawang pang-aasar ng biktima sa Barangay Amaya 1, Tanza, Cavite kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa katawan ang nasawing biktima na si Christopher Capetay ng St. Henry Homes ng nabanggit na barangay, samantala, tugis naman ng pulisya ang suspek na si John Lloyd Baquiran ng Barangay Amaya 2 ng bayang nabanggit. Sa pagsisiyasat ni SPO1 Celeno Javier, magkasamang nag-iinuman ng alak ang dalawa nang magtalo sa hindi nabatid na isyu at dahil sa kapwa senglot ay nagkasigawan hanggang sa makipon ang suspek at undayan ng saksak sa katawan ang biktima
. (Cristina Timbang) Lider Ng Militanteng Grupo Nilikida |
QUEZON Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 54-anyos na lider ng militanteng grupo ng isa sa dalawang lalaki habang ang biktima ay nasa loob ng restaurant na sakop ng Barangay Ibabang Kalilayan sa bayan ng Unisan, Quezon, kamakalawa ng hapon. Apat na tama ng bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Ponciano Silva, alyas "Ka Poncing" , lider ang Anak-Pawis-Unisan Chapter. Lumitaw sa imbestigasyon ni SPO2 Gomez Martinez, bandang ala-1:30 ng hapon nang pumasok sa Sea Breeze Café and Restaurant ang biktima bago umorder ng pagkain. Napag-alamang may lumapit na isang hindi kilalang lalaki sa nakaupong biktima saka sunud-sunod na pinaputukan habang ang isa naman ay nagsilbing lookout. Agad na tumakas ang mga killer sakay ng motorsiklong walang plaka.
(Tony Sandoval) Manggagawang Dinukot, Pinaslang |
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Isang 44-anyos na binatang manggagawa na pinaniniwalaang dinukot ng mga armadong kalalakihan ang kumpirmadong pinaslang makaraang matagpuan ang bangkay nito sa lawa na sakop ng Barangay Buga sa bayan ng Libon, Albay kahapon ng umaga. Ang biktimang may tama ng bala ng baril sa ulo ay nakilalang si Alexander Requio. Base sa nakalap na impormasyon ng pulisya, huling namataang buhay ang biktima dakong alas-6 ng gabi kamakalawa na naglalakad papauwi mula sa trabaho. Ganap na ika-7:30 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima na nakalutang sa lawa ng nabanggit na barangay. May teorya ang pulisya na may matinding galit ang mga killer laban sa biktima kaya dinukot at pinaslang.
(Ed Casulla)