Mag-utol timbog sa buy-bust BULACAN Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng pulisya ang mag-utol na pinaniniwalaang nagpapakalat ng bawal na gamot matapos na maaktuhan sa buy-bust operation sa bahaging sakop ng Barangay Dakila sa Malolos City, Bulacan kamakalawa ng gabi. Walang inirekomendang piyansa ang piskalya sa mga suspek na sina Roberto, 29 at Renate Bayot, 25, na kapwa residente ng nabanggit na barangay. Nakumpiska sa mag-utol ang 12 piraso ng plastic sachets ng shabu matapos isagawa ang buy-bust dakong alas-10 ng gabi. (Efren Alcantara)
3 kawatan naaktuhan BATAAN Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang notoryus na kawatan na kumikilos sa Dinalupihan at Pampanga ang dinakma ng mga awtoridad makaraang maaktuhang bitbit ang ninakaw na water pump sa Barangay Tucop sa bayang nabanggit, kamakalawa. Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Arwin Igros, 21; Jaymar Reyes, 19; Junior Reyes, 19, na pawang taga-Barangay Palmayo sa bayan ng Floridablanca, Pampanga. Ayon kay PO1 Rommel Magtoto, inamin ng mga suspek na karamihang nasisikwat nilang water pump sa bayan ng Dinalupihan ay ipinagbibili sa karatig bayan sa halagang P7,000. (Jonie Capalaran)
Drayber pinatay ng holdaper >PAMPANGA Pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ang isang 24-anyos na traysikel drayber ng mga hindi kilalang kalalakihan sa naganap na holdap sa Barangay San Nicolas 1st sa bayan ng Lubao, Pampanga kamakalawa ng gabi. Tadtad ng sugat sa katawan ang biktimang si Efren Soriano nang natagpuang duguang nakalugmog sa tulay ng nabanggit na barangay. Ayon sa ulat ng pulisya, huling namataang buhay ang biktimang residente ng Barangay San Pedro, Guagua na namamasada ng traysikel na may sakay na mga pasahero. May teorya ang pulisya na nanlaban ang biktima sa mga holdaper at maging ang sasakyan minamaneho ay tinangay ng mga suspek. (Resty Salvador)