Paslit natusta sa nasunog na trak

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – Hindi na nagising pa at nilamon ng apoy hanggang sa natusta ang santaong gulang na babae makaraang masunog ang tinutulugan nitong trak na nakaparada sa bahaging sakop ng Barangay Balubo sa bayan ng Amadeo, Cavite kamakalawa ng gabi.

Halos malitson ang katawan ng biktimang si Joyce May Manito na iniwan ng kanyang 23-anyos na ina na nakipanood ng telebisyon sa kalapit na bahay.

Napag-alaman sa pagsisiyasat ni SPO2 Benefredo Angcaya, iniwanan ni Annabelle Manito ang kanyang anak sa loob ng trak at nakipanood ng telebisyon sa kapitbahay.

Nabatid na ang nasabing trak na may plakang PYU-218 ay pag-aari ng negosyanteng si Joseph Garce at pansamantalang tinuluyan ng pamilya Manito habang ginagawa ang kanilang bahay.

Ayon pa sa ulat ng pulisya, nag-iwan ng kandilang may sindi ang ina upang hindi lamukin ang anak na kanilang ginagamit na ilawan at posibleng bumagsak sa tangke ng liquified petroleum gas (LPG).

Malakas na pagsabog ang umalingawngaw sa paligid ng nabanggit na barangay at mabilis na kumalat ang apoy sa kinaroroonan ng biktimang natutulog sa loob ng trak.

Walang nagawa ang ina ng biktima kundi ang humagulgol at pinagmamasdan ang nasusunog na trak kasama ang iniwang paslit.

Show comments