SPD may payola sa drag racing

Pinaniniwalaang naka-payola ang ilang opisyal ng Southern Police District kaya naging inutil ito na masawata ang ilegal na drag racing ng scooter at motorsiklo sa kahabaan ng Macapagal Avenue sa Parañaque City sa tuwing Sabado ng madaling-araw.

Ito ang napag-alaman ng PSN sa ilang source ng drag racing na nagbibigay ng P10,000 kada Sabado, kapalit ng malayang ilegal na karera ng sasakyan sa kahabaan ng nabanggit na lansangan.

Napag-alamang dinarayo ng mga kabataan na pawang mga anak-mayaman mula sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila at karatig pook ang kinukunsinteng delikadong drag racing.

Kapansin-pansin din ang kawalan ng mga tauhan ng pulisya sa magkabilang dulo ng Macapagal Avenue at mismong sa tuwing Sabado ng madaling-araw na posibleng pagmulan ng malagim na sakuna.

Sinabi pa ng source na ginagawa ring front ng mga drug pusher ang drag racing para magpakalat ng tabletang Ectasy sa mga kabataan. Aabot sa P.1 hanggang P.5 milyon ang nagiging pustahan sa drag racing ng motorsiklo na ang gamit ay pawang cell phones upang hindi mabuking sakaling magkaroon ng aberya. Ginagawang tambayan ng mga masasakyan ng drag racing ang Shell Gas Station na makailang ulit na nilang inereklamo sa pulisya, subalit walang aksyon kaya naging manhid na sa iligal na karera. (Mario D. Basco)

Show comments