Amok: Pulis napuruhan

CAMP CRAME — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang pulis ng kanyang kabarong nag-amok makaraang rumesponde ang biktima sa naganap na insidente sa kahabaan ng McArthur Highway na sakop ng Barangay Balibago, sa Angles City, Pampanga kamakalawa.

Idineklarang patay sa PIH Hospital ang biktimang si PO3 Catalino Dungca Jr. matapos na nasubungan ng bala sa dibdib mula sa M16 rifle ng suspek na si SPO2 Urbano Batictic na kapwa nakatalaga sa PNP precinct 4 ng Angeles City.

Napag-alamang rumesponde ang mga tauhan ng PS 4 sa kahabaan ng Ma. Roxas Avenue sa panulukan ng Mc Arthur Highway, Balibago, Angeles City kasama ang biktima matapos na mapaulat na nag-aamok ang suspek na armado ng M 16 rifle.

Gayunman, papalapit pa lamang ang grupo ng mga nagrespondeng pulis ay agad na sinalubong ng sunud-sunod na putok ng suspek kung saan napuruhan sa dibdib ang biktima.

Nasakote naman ang suspek sa isinagawang follow-up operations na nasamsaman rin ng isang M 16 rifle, isang magazine at 11 rounds ng bala.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong nabanggit. (Joy Cantos)

Show comments