Ayon kay AFP-Southcom Chief Lt. Gen. Alberto Braganza, iniimbestigahan na nila ang malaking posibilidad na isang terror attack na kagagawan ng Abu Sayyaf Group na may ugnayan sa Jemaah Islamiyah (JI) terrorist ang insidente .
Kinilala ang ilan sa mga nasugatan na sina Ondrada Unilisan, 64 anyos; Alfredo Inilisan, 54; Letecia Magtalia, 45; Alvin Enriquez, 3; Angelo Enriquez, 2; Emmanuel Torres, 16; Joseph Juan, 25; Nick Urcia, 61; Jaime Pueblo, 4 atbp.
Sinabi naman ni AFP-Public Information Office (AFP-PIO) Chief Lt. Col. Buenaventura Pascual, anim sa mga biktima ang nasa kritikal na kondisyon kabilang si Pfc. Edwin Calunsag ng Armys 19th Infantry Battalion (IB) at asawa nito. Ang mga biktima ay pawang nagtamo ng 3rd degree burns at tama ng sharpnel sa ibat ibang bahagi ng katawan na ngayon ay nilalapatan na ng lunas sa Dr. Torres Hospital sa Lamitan at Zamboanga Provincial Hospital.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Pascual na dakong alas-7:20 ng umaga nang maganap ang pagsabog sa loob ng M/V Doña Ramona na nakadaong at kasalukuyang naglululan ng mga pasahero sa Dangkalan Wharf sa bayan ng Lamitan.
Ayon sa opisyal ang Improvised Explosive Device ay posibleng iniwan sa ibabaw ng counter sa canteen ng barko na patungong Zamboanga City.
Sa tala ang Basilan ay kilalang balwarte ng mga bandidong Abu Sayyaf na may ugnayan sa JI terrorist, ang Southeast Asian terror network na naitatag ng Al Qaeda ni Osama bin Laden.
Magugunita na sa dalawang insidente ng pagpapasabog sa Zamboanga City noong Agosto 10 na ikinasugat ng 26 katao ay ang Abu Sayyaf at JI terrorist ang itinurong nasa likod ng insidente.