Drayber na may atraso, tinodas

CAVITE — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 29-anyos na drayber ng mga hindi kilalang kalalakihan makaraang harangin ang biktima habang sakay ng pampasaherong dyip sa kahabaan ng Naic-Tanza Road, kahapon ng umaga. Duguang nakabulagtang namataan ang biktimang si Andy Digma ng Barangay Daine 2, Indang , Cavite. Sa imbestigasyon ni PO1 Neil Morano, lulan ang biktima ng dyip na may plakang DJM-673 nang harangin ng mga kalalakihan. Pinababa ang biktima sa sinakyang dyip bago pinagsabihan ang nagmamaneho ng dyip na si Gilbert Nuay na umalis. Ilang metro pa lamang nakakalayo si Gilbert ay sunud-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw. Nang rumesponde ang mga pulis kasama si Gilbert sa nasabing lugar ay naabutang patay na ang biktima. May teorya ang pulisya na may kinalaman ang insidente sa nakabinbing kaso ng biktima sa bayan ng Naic, Cavite. (Cristina Timbang)

Show comments