Namatay noon din ang biktima na kinilalang si Artemio Moldez Gomez Jr., 57, dating deputy chief of police ng Sta. Rosa Police Station bunga ng tinamong dalawang tama ng punglo sa ulo samantalang inoobserbahan ang kanyang kapatid na si Rene, 44, sa Biñan Doctors Hospital bunga ng maraming tama ng bala sa katawan.
Ayon kay Supt. Pastor de Guzman, hepe ng Sta. Rosa Police, habang naglilinis at nag-aayos ng halaman sa harapan ng kanilang bahay ang magkapatid bandang alas-8:45 ng umaga sa National Road nang bigla na lamang sumulpot ang tatlong armadong katao kabilang ang isang babae at sunud-sunod silang pinaputukan.
Agad na bumulagta ang konsehal at sa tangkang pagharang at pagsalag ni Rene sa mga balang babaon sa kapatid ay siya naman ang tinamaan.
Matapos na matiyak na napuruhan ang konsehal ay mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang tricycle patungo sa Cabuyao.
Narekober ng mga pulis sa pinangyarihan ng insidente ang tatlong basyo ng kalibre 45 baril.
Kasalukuyan pang nagsasagawa ng follow-up operation ang awtoridad sa posibleng ikadarakip ng mga salarin kasabay ng imbestigasyon sa naging motibo ng krimen.