Nursing student inararo ng bus, patay

BAGUIO CITY – Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang 19-anyos na nursing student na nakatayo lamang sa may gilid ng kalsada, nang araruhin ng isang mini-bus na nawalan ng preno at pagkatapos ay binangga ang limang pampasaherong jeep na nakaparada malapit sa Igorot Park sa bahagi ng Chanum St., Baguio City noong Martes ng hapon.

Idineklarang patay sa ospital ang biktimang si Jenix Tellias Cawil ng Upper San Carlos Heights, Baguio City at kasalukuyang 2nd year Nursing student sa Saint Louis University.

Kinilala naman ni SPO2 Eduardo Cocal ng Traffic Management Bureau ng Baguio City Police ang driver ng Baguio Bus Lines (AVB-469) na si Peter Tangalin Tovera, 35, ng Naguillian, La Union.

Sa imbestigasyon, dakong alas-2:35 ng hapon nang dumating sa terminal ang nasabing bus upang magbaba ng pasahero mula sa Abra.

Minabuti ng drayber na dalhin ang mini-bus sa karinderya upang kumain, subalit hindi pa nakakalayo sa kanilang terminal ay biglang nawalan ng preno kaya ibinangga nito sa mga nakaparadang dyip at nahagip ang nakatayong biktima.

Agad na ipinakulong ang suspek sa utos ni City Prosecutor Bryan Sagsago, Jr. (Ulat ni Artemio Dumlao)

Show comments