7 tulak ng droga nadakma

CAVITE – Pitong sibilyan na pinaniniwalaang mga notoryus na tulak ng ipinagbabawal na gamot ang dinakma ng mga tauhan ng pulisya sa isinagawang magkakasunod na operasyon laban sa droga sa magkakahiwalay na bahagi ng Cavite, Bataan at Quezon kamakalawa.

Kabilang sa dinakip na suspek ay nakilalang sina Alicia Salonga, 47; Cecilio Tenix, 40; Val Aringo, 23, na pawang dinakma ng pulisya sa bahagi ng Barangay Wawa 2 sa bayan ng Rosario, Cavite.

Samantala, sa bahagi ng Barangay Pury sa bayan ng San Antonio, Quezon ay dinakip naman ang dalawang suspek na tulak ng droga na sina Edmund Sta. Mari Talens, 42 at Manolo Umali, 60, sa isinagawang buy-bust operation.

Kasunod nito ay nasakote ang suspek na si Elvira de Luna, 49, ng Barangay Gabon sa bayan ng Abucay, Bataan matapos na makumpiskahan ng 80 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana sa loob ng kanilang bahay sa isinagawang drug-bust operation. Dinakma rin ang suspek na si Milagros Malagapo ng Barangay Pantalan Luma sa bayan ng Orani, Bataan matapos na makumpiskahan ng ilang gramo ng shabu na tangkang ipuslit papasok ng Bataan Provincial Jail kamakalawa. (Ulat nina Lolit Yamsuan, Jonie Capalaran, Tony Sandoval at Ed Amoroso)

Show comments