P.5M pekeng LPG nasamsam

BAGUIO CITY – Aabot sa 1,000 tangke ng pekeng liquified petroleum gas (LPG) na nagkakahalaga ng P.5 milyon ang nasabat ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-(CIDG) Cordillera habang lulan ng anim na trak patungo sa kanilang sinusuplayang tindahan kahapon ng umaga.

Ayon kay P/Senior Supt. Marvin Bolabola, regional director ng CIDG-CAR, ang mga nasabat na pekeng tangke ng LPG ay pininturahan lamang at maging ang selyo nito ay huwad.

Kulang din sa timbang ang bawa’t tangke na ginagawa pa sa Elxia LPG refilling station sa Barangay Irisan, Baguio City. Ang Elxia LPG refilling station na pag-aari ni Bonifacio Ellara ay una nang sinalakay ng NBI, subalit nagpapatuloy pa rin ang operasyon matapos itong sampahan ng kaukulang kaso.

Kasalukuyang nakikipagtulungan ang CIDG-Cordillera at ang pamunuan ng Liquefied Petroleum Gas Industry Association (LPGIA) upang masawata ang modus operandi ng sindikato. (Ulat ni Artemio Dumlao)

Show comments