Sa ulat ni P/Senior Supt. Isagani Nerez, city director, naalerto ang pulisya matapos na makatanggap ng impormasyon na may naganap na holdapan kayat nagsagawa ng mga checkpoint sa posibleng daanan ng mga holdaper.
Namataan ng pulisya ang sinasakyang taxi ng mga holdaper dakong ala-una y medya ng hapon kaya hinarang sa Kennon Road, subalit isa sa mga suspek ang naghagis ng granada.
Mabilis na nagtakbuhan ang apat na suspek patungong Woodsgate Subdivision, samantalang tinamaan naman ng sharpnel sina PO3 Roger Comides at ang taxi driver na si Bernard Cuisan.
Kaagad namang binantayan ng mga operatiba ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ang masukal at madamong lugar malapit sa nasabing subdivision na posibleng pagtaguan ng mga suspek.
Dakong alas-5:30 ng hapon nang bigla silang paputukan ng mga suspek na nakatago sa masukal na creek.
Nagkaroon ng 30-minutong barilan hanggang sa mapatay ang dalawang suspek na holdaper na sina Mark Lamsin at Robert Valdez na kapwa residente ng Tabuk, Kalinga province. Nakuha sa mga suspek ang isang Cal. 38 at isang granada.
Nauna rito, dakong alas-12:30 ng hapon kamakalawa nang biglang pasukin ng mga suspek ang bahay ni George Cawaren na kasalukuyang may mga kasamang minero na naghahatian sa naibentang ginto na umaabot sa P1.6 milyon.
Tumakas ang mga suspek tangay ang P1.6 milyon na gamit ang Besta van ni Cawaren bago inabandona sa Loakan Road. (Ulat ni Artemio Dumlao)