Dalaga pinatay sa gulpi ng ama

CEBU – Isang 19-anyos na dalaga ang iniulat na nasawi makaraang gulpihin ng sariling ama dahil sa naaktuhang nakikipag-sex ang biktima sa kanyang nobyo sa kanilang bahay sa Barangay Mainit sa bayan ng Oslob noong Miyerkules.

Ang biktimang nakilalang si Maria Angela ay natagpuang patay sa kanyang kuwarto ng ama na si Filomeno Rodriguez ay pinaniniwalaang nalamog ang katawan dahil sa mga suntok at tadyak.

Hindi naman pumalag ang suspek na ama nang posasan ng mga tauhan ng pulisya at pormal na sinampahan ng kaukulang kaso.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dumating ang suspek sa kanilang bahay mula sa pakikipaghuntahan sa kanyang mga kaibigan nang maaktuhang ang anak sa aktong nakikipagtalik sa hindi pinangalanang nobyo.

Ayon pa sa ulat, hindi nakayanan ng ama ang naturang tagpo, kung kaya’t nagwala ito at hinaltak ang mag-syota palabas ng kuwarto at sinimulang gulpihin habang hindi naman naipagtanggol ng nobyo na pangakong handa itong magpakasal.

Hindi nakuha sa pakiusap ng nobyo ang ama na itigil na ang pananakit sa kanyang nobya hanggang sa ito ay lumabas na lamang ng bahay.

Bandang ala-una ng madaling-araw nang magkasundo ang mag-ama, ngunit kinaumagahan nang gigisingin ang biktima hindi na ito humihinga.

Ayon naman sa ilang kapitbahay, hanggang madaling-araw ay patuloy na sinasaktan ang biktima ng sariling ama na pinaniniwalaang ikinasawi nito dahil sa hirap na dinanas.

Bagama’t pambubugbog ang isa sa pangunahing dahilan ng pagkamatay ng biktima ay hindi iniaalis ang anggulong suicide na posibleng kahihiyan ang daranasin sa mga kaibigan.

Show comments