Multicab vs van: 3 patay, 6 pa grabe

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Tatlong sibilyan ang nasawi habang anim naman ang malubhang nasugatan makaraang salpukin ang multicab ng van sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangy Bagacay sa bayan ng Libmanan, Camarines Sur kamakalawa ng hapon.

Kabilang sa namatay ay nakilalang sina Pesing Castañeda; Victor Vargas at Lolita Castañeda. Ginagamot naman sa Bicol Medical Center ang mga sugatan sina July Castro, Driver, Emma Castañeda, Larry Castañeda, Victor Anaceto, Vicente Vargas at Jose Diestro Jr.

Ang mga biktima ay lulan ng multicab na may plakang SGW-340 nang biglang salpukin ng van (RAC-778) na minamaneho ni Mayonito Cabrera ng Las Piñas City.

Patungo ang mga biktima sa Naga City ng maganap ang sakuna bandang ala-una ng tanghali. Pormal na kinasuhan ang drayber ng van na ngayon ay nakakulong sa himpilan ng pulisya. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments