Sa ulat ni Major General Jovito Palparan Jr., 8th Infantry Division commanding officer, nagsasagawa ng clearing operations ang tropa ng 34th Infantry Battalion sa tatlong lalawigan ng Samar laban sa makakaliwang kilusan nang makasagupa ang mga armadong kalalakihan. Ipinag-utos ni Palparan sa kanyang mga tauhan sa bayan ng Jiabong na agad dalhin ang limang bangkay ng NPA sa munisipyo upang makilala ng kanilang mga kamag-anakan. "Ito ang kauna-unahang sagupaan ang naganap sa Samar matapos na magsimula ng clearing operations laban sa armadong kilusan ng CPP/NPA," dagdag pa ni Palparan.
Samantala, isa pang lider ng Sierra Madre Group ng Melito Glor Command ng rebeldeng New Peoples Army (NPA) ang napaslang makaraang makipagbarilan sa pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya sa Barangay Bagumbayan, Paete, Laguna kahapo ng umaga.
Kinilala ang napatay na rebelde na si Edilberto Orosco, 44, ng Barangay Orgos sa bayan ng Real, Quezon.
Sa ulat, nilusob ng pinagsanib na elemento ng Philippine Armys 1st Infantry Battalion, 405th Provincial Mobile Group at lokal na pulis ang bahay ni Orosco, bandang alas-singko y medya ng umaga, subalit imbes na sumuko ay nakipagbarilan kaya napatay.
Arestado naman ang live-in partner ni Orosco na nakilalang si Fe Padul.
Ayon naman kay Army Colonel Tristan Kison, 1st Infantry Battalion commander, responsable si Orosco sa ambush killing ng asawa ni SPO4 Francisco Advincula Jr., na si Flor at anak nitong si Sarah noong December 22, 1994.
Dalawa ring Cafgu ang napatay sa nasabing ambush na nakilalang sina Romeo Sabio at Ranilo Ramirez samantalang sugatan naman si SPO4 Advincula Jr.
Si Orosco rin ang itinuturong responsable sa kidnap-slay ni Barangay Captain George Ramirez ng Barangay Llavac, Siniloan, Laguna noong July 1994.
Narekober mula sa bahay ni Orosco ang mga subersibong dokumento, isang Ultramax M-14 Armalite Rifle, isang caliber .45 at cal.38, dalawang granada, 223-rounds ng M-16 ammunitions, 2 fatigue uniforms, isang motorsiklo at pekeng ID ng PNP na tumutugon sa pangalang SPO4 Edwin Orosco. (Ulat nina Miriam Desacada at Arnell Ozaeta)