Hindi na sinikatan ng araw ang biktimang si Macod Malawane Jr., 11-buwan, habang nasa kritikal na kondisyon sina Jossie Paras Malawane, ina ni Macod; Aldredo Paras, ama ni Jossie; at Casem Ampang, 20, kapitbahay ng pamilya Malawane.
Samantalang sugatan ang suspek na si Macod Malawane Sr., 37, matapos na mabaril ng pulis na rumesponde sa naganap na insidente.
Sa ulat ni P/Chief Inspector Venecio S. Reuyan ng presinto 5, bandang alas-6:45 ng umaga nang tangkain ng suspek na lango sa droga na sinusunog ang sariling bahay, subalit napigilan ng asawang si Jossie.
Dahil sa naudlot na panununog ay nag-amok ang suspek hawak ang dalawang samurai at pinagtataga ang sariling anak na labing isang buwan gulang.
Ayon pa sa ulat, binalingan ng suspek si Ampang habang inaapula ang nasusunog na bahay ng pamilya Malawane kaya malubhang nasugatan.
Rumesponde naman ang mga tauhan ng pulisya at binaril sa tiyan ang suspek upang maparalisa. (Ulat ni Richel V. Umel)