Ayon kay Rizal Provincial Director Leocadio Santiago Jr., natagpuan ng dalawang kalalakihang nangunguha ng kawayan ang naagnas na bangkay ng biktimang si Arturo Picones sa Sitio Bisakol, Brgy. San Isidro ng bayang ito dakong alas-10 ng umaga.
Nabatid na nakagapos ng posas ang dalawang kamay at nakatali pa ng alambre ang katawan at bakas na pinahirapan muna bago pinaslang ang nasabing biktima.
Sa imbestigasyon, nabatid na dinukot si Picones ng anim na armadong kalalakihan noong Mayo 3 ng gabi habang nakatayo ito sa harapan ng kaniyang pag-aaring Dinosaur Videoke bar na matatagpuan sa kahabaan ng Manila East Road , Binangonan, Rizal.
Magugunita na humingi ng P5-M ransom ang mga kidnappers na naibaba sa P 450,000 na naibigay ng pamilya subalit pinatay pa rin ang biktima. Nagsasagawa na ng follow-up operations ang mga awtoridad sa kasong ito. (Edwin Balasa)