Ayon kay PNP-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AID-SOT) Chief Deputy Director General Ricardo de Leon, dakong alas-11 ng umaga nang salakayin ng kanyang mga tauhan at ng mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang laboratoryo ng shabu sa Paradise 3, San Diego Subdivision, Brgy. Kakawati ng nasabing munisipalidad.
54-kahon at anim na drum ng kemikal na pangunahing sangkap sa paggawa ng droga ang nasamsam ng kanilang mga tauhan sa ni-raid na shabu laboratory.
Sinabi ng opisyal na isa umanong kinilalang Jerson Chua ang natukoy na owner ng naturang shabu laboratory na nasa likod rin ng nalansag na drug laboratory sa magkakahiwalay na operasyon sa Quezon City at Davao City kamakailan.
Base sa intelligence report, si Chua ay nakalabas na ng bansa patungo sa mainland China dahil sa paggamit ng huwad na passport na nakapangalan sa ibang tao.
Sa kabila nito, tiwala naman si de Leon na mahuhulog din sa kamay ng batas si Chua sa pamamagitan ng alyansa sa pagitan ng China at ng Pilipinas. (Ulat nina Joy Cantos at Efren Alcantara)