Dalawang tama ng bala sa ulo at dibdib ang tumapos sa buhay ni Rev. Peter Edison Lapuz, 39, pastor ng relihiyong protestante na United Church of Chirst in the Philippines (UCCP) sa nabanggit na lungsod habang si Alfredo Manilao na lider naman ng radical party-list group Bayan Muna ay tinamaan ng ligaw na bala ng baril sa dibdib.
Si Lapuz na aktibong miyembro ng human rights group, Karapatan ay itinumba dakong alas-5:30 ng hapon habang nakikipaglibing sa yumao na biyanang lalaki sa nabanggit na barangay.
Base sa pahayag ni Rev. Fr. Allan Jose Arcebuche, OFM, national chairman ng Promotion of Church Peoples Response (PCPR), bago patayin si Rev. Lapuz ay minamatyagan na ng militar ang kanyang ikinikilos.
Napag-alaman ng PCPR na ang pangalan ni Rev. Lapuz ay nakasama sa militarys order-of-battle partikular na ang larawan nito na naka-display sa kampo ng PNP Regional Mobile Group sa Eastern Visayas.
Si Pastor Lapuz ay ikatlong lider ng Bayan Muna sa Eastern Visayas region ang pinatay sa loob lamang ng tatlong buwan, habang apat na provincial coordinators naman sa Samar ang himalang nakaligtas sa serye ng asasinasyon. Itinanggi naman ng military ang akusasyon ng militanteng grupo na sangkot sila sa pagpatay ng kanilang lider. (Ulat nina Miriam Desacada,Benjie Villa at Danilo Garcia)