Kuta ng Sayyaf binomba: 2 patay

CAMP AGUINALDO – Dalawang miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang napaslang matapos bombahin ng tropa ng militar ang pinagkukutaan ng ektremistang grupo kahapon sa Butilan Marsh, Maguindanao.

Sa isang phone interview, sinabi ni Col. Domingo Tutaan, Spokesman ng AFP-Southern Command (AFP-Southcom), dakong alas-6:30 ng umaga kahapon nang maghulog ng 250 pounds na bomba ang Maketi bomber plane ng Phil. Air Force sa katimugang kanluran ng Butilan Marsh.

Ang nasabing lugar ay siyang namonitor na pinagkukutaan nina Abu Sayyaf Chieftain Khadaffy Janjalani at dalawa pang Abu Sayyaf Commander na sina Isnilon Hapilon at Abu Solaiman.

Ang Butilan Marsh ay siyang pinagkukutaan ng Abu Sayyaf Group at kaalyado nitong teroristang Jemaah Islamiyah na sumasakop sa malaking bahagi ng Cotabato at Maguindanao.

Magugunita na simula pa nitong Nobyembre ng nakalipas na taon ay sinimulan nang bombahin ng militar ang Butilan Marsh kung saan diumano’y nasawi si Janjalani, pero di ito napatunayan at napaulat na patuloy na gumagala at nagpapalipat-lipat ng taguan sa mga bulubunduking bahagi ng Central Mindanao.

Samantalang ang naarestong Jemaah Islamiyah terrorist nitong nakalipas na Marso 16 na si Rohmat alyas Zaki ay umaming nakuha niya ang malaking peklat sa kanyang kanang mukha matapos siyang masugatan sa air strike operations ng militar sa Butilan Marsh noong nakalipas na taon.

Sa kasalukuyan, ayon pa sa opisyal ay inaasahang tataas pa ang bilang ng mga masasawi at masusugatan sa mga kalaban habang patuloy ang operasyon ng militar sa nasabing lugar. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments