Restaurant owner kinidnap ng Abu Sayyaf

Isang negosyante na pinsan ng isang police colonel na nagmamay-ari ng isang restaurant ang dinukot ng limang armadong kalalakihan na pinagsususpetsahang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa panibagong insidente ng kidnapping kahapon ng umaga sa Jolo, Sulu.

Sa isang phone interview, kinilala ni Police Regional Office (PRO) 9 Director Chief Supt. Vidal Querol ang biktima na si Mr. Renato Yanga, 44 anyos, may-ari ng Topspot Restaurant at pinsan ni Zamboanga City Police Office Director Sr. Supt. Mario Yanga.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-5:15 ng umaga habang kasalukuyang binubuksan ng biktima ang kanyang restaurant na matatagpuan sa Serrantes St., Jolo, Sulu ng biglang sumulpot ang mga kidnappers na armado ng assault rifles.

Sinabi naman ni Brig. Gen. Agustin Demaala, Commander ng Joint Task Force Comet, tatlo sa mga suspek ay naka-bonnet saka nakasuot ng fatigue uniform at dalawa naman ang nakasibilyan ang puwersahang tumangay sa biktima pasakay sa isang kulay pulang behikulo na tumahak sa direksiyon ng Brgy. Taglibi sa bayan ng Patikul na kilalang balwarte ni Abu Sayyaf Commander Radulan Sahiron.

Ang mga kidnaper ay pinamumunuan umano ni Abu Solomon Isah, isang kilalang miyembro ng Abu Sayyaf sa lugar.

Naglunsad na ng search and rescue operations ang pinagsanib na elemento ng Joint Task Force Comet at lokal na pulisya upang iligtas ang biktima.

Show comments