Idineklarang dead-on-arrival sa Don Vicente Sotto Memorial Medical Centers sa Cebu City ang biktimang si Thelma Paran, 42.
Kasalukuyan namang nakikipagbuno kay kamatayan ang live-in partner nitong si Jose Soroño, 30, isang local water utility employee na inoobserbahan pa ang kondisyon sa Cebu Doctors Hospital.
Sa imbestigasyon, pasado alas-2 ng madaling-araw nang magtungo ang mag-live-in partner sa Sanctuary Memorial Park sa Sitio Kalubihan, Brgy. Cala-joan, Minglanilla kung saan matapos ang ilang oras na pag-uusap ay magkasabay na uminom ng pesticide.
Isang tinukoy sa pangalang Jaime Gadiane, ang napadaan sa likurang bahagi ng sementeryo kaya naispatan nito ang dalawa bandang alas-6 ng umaga na kapwa bumubula ang bibig sa may damuhan.
Narekober ng mga nagrespondeng pulis ang dalawang basyo ng bote ng di pa matukoy na pesticide at ang suicide note ng dalawa na nagsasaad: na nagpatiwakal sila upang magkasama sa kabilang buhay at di na mapaglayo pa ng kanilang mga pamilya na kapwa mahigpit ang pagtutol sa kanilang pag-iibigan.
Mabilis namang isinugod sa pagamutan ang dalawa, subalit nabigo na ang pagtatangka na maisalba ang buhay ng nasabing babae.
Nakuha rin ang mga personal na kagamitan ng dalawa tulad ng wallet ni Soroño na naglalaman ng P20.00 cash, dalawang relo at ID ni Paran. Sa kabila naman ng nakuhang note sa lugar ay iniimbestigahan pa ng pulisya kung may foul play sa kasong ito. (Ulat ni Joy Cantos)