Si Esperat, 45, columnist ng Midland Review sa Mindanao ay pinaslang ng nag-iisang salarin habang isa pa ang nagsilbing lookout dakong alas-7:30 ng gabi.
Nabatid na isa sa masusing tinitingnan ng mga awtoridad sa motibo ng pamamaslang kay Esperat ay ang walang takot na pagbatikos at pagbubulgar nito sa katiwalian sa National Food Authority (NFA) na kinasasangkutan umano ng isa sa mga suspek na si Wilmar Padrones, contractor ng nasabing tanggapan.
Si Padrones ay na-convict sa kasong malversation, subalit nakapagpiyansa at isa rin sa mga pakay ng hot pursuit operations ng mga awtoridad, ayon sa ulat.
Gayunman, tumanggi si Central Mindanao Police (Police Regional Office 12) Director P/Chief Supt. Antonio Billiones na tukuyin ang mastermind sa kaso habang patuloy pa ang kanilang imbestigasyon sa kaso.
Sinabi pa ni Billiones na masusi ring iniimbestigahan ng binuong Task Force Esperat ang posibleng pagkakasangkot ng isang lokal na pulitiko sa kaso ng pagpatay sa hard hitting na kolumnista.
Magugunita na bagaman at may dalawang pulis na security escort si Esperas bunga ng mga pagbabanta sa kanyang buhay ay naisakatuparan ang pamamaslang matapos na pagbakasyunin nito ang kanyang bantay nitong Semana Santa. (Ulat ni Joy Cantos)