Batay sa report ni Sr. Insp. Mario Cabigting, Provincial Director Administering Officer ng NE Police Provincial Officer kay Sr. Supt. Alex Monteagudo, NE, PNP Director, ipinagharap ng reklamo ni Rowena Aromin, 28 ng Brgy. Cavite, Guimba ng naturang lalawigan si SPO1 Rolando Santiago, miyembro ng Guimba Police Station.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-10 ng gabi nang magtungo sa Ginas Videoke Bar si Aromin upang alukin ng kanyang paninda ang kanyang kaibigan na may-ari ng nasabing establisimyento.
Kasalukuyang nag-uusap si Aromin at kaibigan na si Maryjane Aveles nang biglang dumating ang dalawang pulis kung saan ang isa dito ay nakilalang si SPO4 Marcelo Olvina.
Kumakanta si Olvina nang dumating naman si Santiago na may kasamang isa pang pulis. Bunga nito, sinita ni Olvina si Santiago kung bakit nagtungo sa bar samantalang walang pulis na naiwan sa istasyon.
Minabuti na lamang ni Olvina na bumalik sa nasabing police station kung saan naiwan naman si Santiago at umorder ng beer at pulutan kasabay ng pagkanta.
Dito umano napansin ni Santiago si Aromin kung kayat hinatak niya ito at sinabihan ng "sexy"
Sa kabila ng kanyang pakiusap, hindi pa rin siya binitiwan ni Santiago at sa halip ay minura pa siya nito at hinila ang kanyang upuan na naging sanhi ng kanyang pagkakasadlak.
Dinuru-duro pa siya nito kasabay ng pahayag na walang akong paki-alam sa iyo kahit anak ka pa ng heneral.
Nabatid na hindi rin binayaran ni Santiago ang kanyang mga nainom na beer at sigarilyo. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)