Ina pinalakol ng anak

LINGAYEN, Pangasinan — Isang biyudang ina ang pinalakol at napatay ng sariling anak na may kapansanan sa pag-iisip makaraang sermunan ng biktima ang huli sa Barangay Gais-Guipe, Dasol, Pangasinan, ayon sa ulat ng pulisya.

Nasapol sa ulo ng palakol ang biktimang si Lydia Ramos, samantalang ang suspek na kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal ay nakilalang si Alberto Ramos Jr.

Napag-alamang ililipat ng mental health institution ang suspek dahil sa kapansanan sa pag-iisip.

Base sa ulat ng pulisya, nasermunan ng biktima ang sariling anak sa hindi nabatid na dahilan at dahil sa may kapansanan sa pag-iisip ay kinuha nito ang palakol bago inundayan sa ulo ang ina.

Naisugod pa sa Dasol Community Hospital ang biktima bago inilipat sa Alaminos Doctors Hospital, ngunit hindi na umabot ng buhay.

Kasalukuyang itinago ng pulisya ang ginamit na palakol sa krimen upang isumite sa korte sakaling sampahan ng kaukulang kaso ang suspek. (Ulat ni Cesar Ramirez)

Show comments