CAMP CRAME Apat na empleyado ng provincial government ng Bukidnon ang iniulat na nasawi makaraang sumalpok ang sinasakyang Toyota pickup ng mga biktima sa kasalubong na bulldozer sa highway na sakop ng Barangay Maloku sa bayan ng Manolo Fortich, Bukidnon kamakalawa. Kabilang sa namatay sa Camp Philips Hospital ay sina: Heracleo Calijat; Manolo Cruz; Arelia Secretaria at Elizabeth Yee. Sa ulat, patungo ang mga biktima sa Malaybalay City nang sumalpok ang kanilang sasakyan sa bulldozer na minamaneho ni Felix Combodades. May teorya ang pulisya na nadulas ang sasakyan (SEB-515) ng mga biktima dahil sa lakas ng buhos ng ulan kaya hindi inaasahan ang kalawit ni kamatayan
. (Ulat ni Joy Cantos)
ORION, Bataan Tinambangan at napatay ang isang tauhan ng pulisya ng mga hindi kilalang kalalakihan habang ang biktima ay nagmamaneho ng traysikel sa kahabaan ng Roman Superhighway na sakop ng Barangay Bilolo, Orion, Bataan kahapon ng umaga. Walong tama ng bala ng baril ang tumapos sa buhay ni PO3 Walter Baluyot ng Barangay Upper Bilolo. Sa ulat ni P/Chief Insp. Luisito Mgnaye, naghatid ng dalawang anak sa Orion Elementary School ang biktima at pagbalik sa kanilang bahay naganap ang pananambang dakong alas-7:30 ng umaga.
(Ulat ni Jonie Capalaran)
PAMPANGA Dahil sa upos ng sigarilyo na naitapon sa drum ng langis ay lumikha ng matinding sunog at naabo ang P10-milyong ari-arian sa kahabaan ng McArthur Highway na sakop ng Barangay Dela Paz, San Fernando City, Pampanga kamakalawa. Ayon sa ulat, tumagal ang sunog ng limang oras bago pa maapula ng mga rumespondeng pamatay-sunog ang gusali na pag-aari ni Lolita Santiago ng Grennhills, San Juan, Metro Manila. Wala naman iniulat na nasawi o nasugatan sa naganap na sunog.
(Ulat ni Resty Salvador)
SARIAYA, Quezon Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang notoryus na holdaper sa Quezon at Batangas ang dinakip ng mga tauhan ng pulisya sa naganap na habulan sa Barangay Bantilan ng bayang ito kamakalawa. Naghihimas ng rehas na bakal ang mga suspek na sina: Gerardo Moster, 30, ng San Pascual, Batangas; Gervy da Vinci Exporna, 29, ng Calamba City, Laguna; at Jayson Sauro, 23, ng Tanauan, Batangas. Sa ulat ni PO2 Bayani Mercado, sakay ng motorsiklo ang mga suspek at pinara sa checkpoint ng Sariaya PNP at 415th PPMG.Imbes na tumigil ay nakipaghabulan sa pulisya hanggang nakorner sa nabanggit na barangay.
(Ulat ni Tony Sandoval)