Ang direktiba ay ipinalabas ng Olongapo City Police Headquarters dahilan sa bantang pag-atake ng mga rebelde sa lungsod simula sa araw na ito hanggang bago magtapos ang taong kasalukuyan.
Bunga nito ay naghigpit na rin ng seguridad ang buong kapulisan sa lungsod at itinalaga ang may 500 bilang na miyembro ng PNP-City Mobile Group sa mga pangunahing lansangan partikular sa mga malls upang pangalagaan ang publiko sa anumang banta ng terorismo.
Nag-doble na rin ng pagbabantay ang pulisya sa mga police outpost kung saan sinasabing pangunahing puntirya umano ng mga rebelde ang pagsalakay dito.
Matatandaan na tatlong pulis kabilang dito ang isang opisyal at isang security guard ang napatay ng mga rebeldeng NPA sa ilalim ng Josefino Corpuz Command sa isang police outpost sa Barangay Barreto, Olongapo City sa matagumpay na opensiba laban sa pamahalaan kung saan sinasabi na ngayon lang nangyari ang ganitong uri ng karahasan sa nabanggit na lungsod.
Base sa teorya ng mga imbestigador ang naganap na madugong pag-atake sa naturang police outpost ay may kaugnayan sa pagdiriwang ng ika-36 taong anibersaryo ng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army (CPP-NPA) na itinatag ni Jose Maria Sison. (Ulat ni Jeff Tombado)