3 miyembro ng pamilya minasaker

CAMP CRAME – Tatlong miyembro ng isang pamilya kabilang ang isang 9-buwang sanggol ang nasawi matapos pagbabarilin ng di pa nakilalang mga armadong salarin na puwersahang pumasok sa tahanan ng mag-anak kamakalawa ng gabi sa Olutanga Island, Zamboanga Sibugay.

Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 9 Director P/Chief Supt. Vidal Querol ang mga biktima na sina Ibrahim Asamudin, 22-anyos; Salima Asamudin, 23; at anak ng mga itong si Esmar, 9-buwang sanggol na lalaki.

Nabatid na mahimbing na natutulog ang mag-anak ng maganap ang insidente sa tahanan ng mga ito sa Brgy. Pulo Mabao, Olutanga Island, Zamboanga Sibugay bandang alas-9:10 ng gabi.

Ayon sa imbestigasyon, bigla na lamang sumulpot ang mga salarin na pawang armado ng malalakas na kalibre ng armas at pinasok ang tahanan ng pamilya saka pinagbabaril ang mga ito.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek sa hindi pa mabatid na direksiyon matapos ang krimen.

Bago umano naganap ang insidente ay ilang kahina-hinahinalang kalalakihan ang nakitang umaaligid sa tahanan ng nasabing pamilya.

Kabilang sa mga anggulong sinisiyasat ng mga awtoridad ay posibilidad na kagagawan ito ng mga rebeldeng Muslim at ikalawa ay alitan sa lupa ang motibo ng krimen.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabatid kung sino ang mga responsable sa madugong massacre. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments