Ito ang ibinunyag sa PSN ng isang mapagkakatiwalaang impormante na tumangging ihayag ang pangalan, ilang daang kilong ipinagbabawal na droga ang naipapasok sa bansa sa nabunyag na kakaibang modus operandi ng sindikato kasabwat ang ilang tiwaling kawani ng Bureau of Customs (BoC).
Ayon sa impormante, isang alyas Mel na kasabwat ng mga tiwaling tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Section (CIIS) ng Bureau of Customs ang itinuturong lider ng sindikato kasabwat ang ilang empleyado ng BoC-Port of Subic.
Isiniwalat pa ng impormante, ilang rehistradong locator sa Freeport ang pinaniniwalaang kasabwat sa ilegal na operasyon at ginagamit ang importasyon ng mga used vehicles.
Napag-alamang itinatago ang shabu sa loob ng upuan ng mga sasakyang ini-import ng mga locator sa Freeport mula sa Japan at nabatid din na galing ang naturang droga sa China at isang maimpluwensyang Tsinoy na may-ari ng kumpanya ang siyang kumokontak naman sa drug syndicate na nakabase sa China.
Idinagdag pa ng impormante, sa oras na pumasok ang mga markadong kargamento na nakapaloob sa container van ay kaagad inilalabas nang palihim ang mga ito patungo sa Maynila. (Ulat ni Jeff Tombado)