Bulag pinatay ng kapwa bulag

ZAMBOANGA CITY – Kahit walang paningin ay nagawang pagsasaksakin hanggang sa mapatay ang isang bulag na lalaki ng kasamahang bulag ding lalaki sa paniniwalang ang biktima ay naging ugat para hiwalayan ng asawa ang huli kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Reynaldo Concordia, samantalang nakapiit naman sa himpilan ng Tetuan police station ang suspek na si Edmundo Geraldiso, 54, ng Calle Waray, Barangay Tetuan, Zamboanga City.

Nabatid sa ulat, na ang dalawa ay kapwa miyembro ng Mindanao Association for the Blind in the Philippines.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya, ang biktima na kasama ang mga kasamahang bulag mula sa Bukidnon ay magpupulong sa bahay ng suspek.

Napag-alamang ang suspek ay may kinikimkim na matinding galit laban sa biktima dahil sa paniniwalang siya ang naging ugat para hiwalayan ng asawa si Geraldiso may apat na taon na ang nakalilipas.

Ayon sa pulisya, nagkataon naman magkatabi ang dalawa habang nagpupulong kaya bago maganap ang krimen ay tinanong muna ng suspek ang katabi ang pangalan.

Matapos na maging positibo na ang katabi ng suspek ay ang biktima ay agad na inundayan ng sunud-sunod na saksak ng patalim na ikinasawi nito.

Hindi naman magawang awatin ng mga kasamahang bulag ang nagaganap na krimen, ayon pa sa ulat. (Ulat ni Roel D. Pareño)

Show comments