Kinilala ang mga biktima na sina Roger Saraza, nasa hustong gulang, barangay councilor at pangulo ng asosasyon ng barangay at ang bodyguard nitong nakilalang si SPO2 Domingo Villavicencio.
Ang pananambang sa mga biktima ay naganap dakong alas-11:30 ng umaga matapos na ratratin ang mga ito ng anim na mga armadong suspek nang maipit sa traffic ang sinasakyan nilang puting pick-up na may plakang YWH na di nakuha ang numero sa nabanggit na lugar.
Bago ang insidente, nabatid na ang mga biktima ay kagagaling lamang sa pagbisita sa isang piggery farm sa San Jose del Monte at pabalik na sa Maynila nang paulanan ng bala ng mga salarin.
Matapos na mapatay ang kanilang target ay parang walang anuman na lumisan sa lugar ang mga suspek.
Sa kasalukuyan ay wala pang ibinibigay na motibo ang pulisya hinggil sa pangyayari.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo ng mga suspek sa pamamaslang sa mga biktima. (Ulat nina Ricky Tulipat at Angie dela Cruz)