Shabu lab,sinalakay

LA PAZ, Tarlac – Sinalakay ng mga awtoridad ang isang malaking pabrika na pinaniniwalaang gumagawa ng shabu noong Huwebes sa liblib na bahagi ng Barangay Comillas ng bayang ito.

Sa pahayag ni Mayor Dionisio Manuel, ang Ampchem Industries na sinalakay ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at pulisya ay pag-aari ni Engr. Edgardo Villasor ng Novaliches, Quezon City na ngayon ay pinaghahanap ng mga awtoridad para magpaliwanag sa mga nadiskubreng kemikal.

Kabilang din sa tinutugis ay ang kasosyong negosyante ni Villasor na si Josephine Angeles ng Las Piñas City na may-ari naman ng Algeria Industrial Sales na kinontrata ng Ampchem Industries para mag-transport ng mga kemikal sa pabrika.

Ayon kay Mayor Manuel, ang planta ng kemikal ay inireklamo na ng pitong magsasaka matapos na magtapon ng nakalalasong kemikal na kumalat sa 11 ektaryang bukirin.

Matapos na magpalabas ng search warrant si Judge Eleanor Ventura-De Jesus ng 3rd Municipal Circuit Trial Court sa Bayan ng Victoria ay agad na sinalakay ang nasabing pabrika.

Nakumpiska ang 629 plastic containers na sulfuric acid, mga drum na naglalaman ng etholamine solution, formal dehyde, alkaline, resist stripper, sodium hydroxide, alkaline corrosive liquid, ammonium hydroxide, ammonium chloride, citric acid, at liquid flavoring.

Nadiskubre rin ang 100 drums na naglalaman ng used ink, used isopropyl alcohol, electronic wastes, caramel color, oil essentials, copper solution, procullants at coagulants. (Ulat ni Benjie Villa)

Show comments