Dumaong dakong alas-10 ng umaga kahapon sa Alava Pier ng dating Ship Repair Facility (SRF) ng Subic Freeport ang barkong USS Russell, isang missile guided destroyer (DDG-59); USS McCampbell (DDG-85); USS Fort McHenry (LSD-43); USS Salvor (ARS-52) at ang US Coast-Guard high-endurance, Mellon.
Ang naturang pagsasanay sa pagitan ng kawal ng Pilipinas at Amerika ay bahagi ng Cooperation Afloat Readiness and Training-2004 (CARAT-04) na isasagawa sa loob ng 8-araw simula kahapon.
Ayon kay Logistic Group for Western Pacific US Navy Rear Admiral Kevin Quinn, ang nasabing joint war exercises ay para palakasin ang military-to-military relationships sa pagitan ng US at RP sa pamamagitan ng pagsasanib-puwersa sa larangan ng naval operations at paghahanda laban sa pandaigdigang banta ng terorismo.
Sinabi naman ni CARAT-04 Exercise Director Philippine Navy Capt. Ludivico Franco, may 1, 100 Filipino sailors kasama ang barkong BRP Artemio Ricarte; BRP Alberto Navarette; BRP Lanao Del Norte; BRP Hilario Ruiz at BRP General Mariano Alvarez ang isasabak sa isasagawang military naval exercises na gaganapin sa Cavite at Zambales. (Ulat ni Jeff Tombado)