Kasalukuyang nakapiit sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus, Cavite ang mga suspek na sina: Barangay Kagawad Bernard Donesa, 39 at Zosimo Gones, 59, na kapwa naninirahan sa nabanggit na barangay.
Kabilang sa nakumpiska na ibinebenta ng mga suspek ay 42 piraso ng dinamita na nakalagay sa botelya, 800 pirasong blasting caps na may safety fuses, 850 pirasong double blasting caps na may safety fuses, 1, 200 safety fuses, 675 ignition wire; at 5,000 pirasong blasting caps na nakalagay sa sako.
Napag-alaman pa sa ulat ng pulisya, na ang mga ibinebentang pampasabog ay ginagamit sa bawal na pangingisda sa Manila Bay, Lubang Island at Palawan.
Ayon kay P/Senior Inspector Salvador Laurel, hepe ng Anti-Illegal Special Operation Task Force, ang pagsalakay sa bahay ng mga suspek ay matapos na bumili ng apat na botelyang pampasabog, safety fuses at blasting caps ang dalawang pulis na nagpanggap na sibilyan.
Makaraang magpositibo sa laboratoryo ang mga biniling pampasabog ay sinalakay ang mga bahay ng suspek. (Ulat ni Rene M. Alviar)