Lola todas,mister kritikal sa sunog

Cainta, Rizal – Isang matandang babae ang nasawi samantalang nasa kritikal namang kalagayan ang asawa nitong abogado matapos tupukin ng apoy ang kanilang tahanan sa Brgy. Sto. Domingo ng bayang ito kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang namatay na si Ella Lopez, 72, na natagpuang wala ng buhay sa loob ng banyo habang nagtamo naman ng 3rd degree burn sa buong katawan at ngayo’y nasa grabeng kondisyon ang asawa nitong si Atty. Pedro Lopez; pawang residente ng Kamagong sa panulukan ng Narra St. at St. Joseph Subd., Brgy. Sto. Domingo ng naturang munisipalidad.

Sa report ng Bureau of Fire Protection ng Cainta, nagsimula ang sunog dakong alas-4:20 ng madaling-araw sa bahay ng mag-asawa habang mahimbing na natutulog ang dalawang biktima.

Lumilitaw sa imbestigasyon na mabilis na kumalat ang apoy sa buong kabahayan na ikinataranta ng dalawang matanda.

Naapula ng mga nagrespondeng bumbero ang apoy dakong alas-5:28 at natagpuan ang wala ng buhay na matandang babae na namatay sa suffocation sa loob ng banyo habang mabilis namang isinugod sa pagamutan ang mister nito.

Kasalukuyan pang inaalam ng mga imbestigador ang pinagmulan ng sunog. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments