P3-M piniratang DVDs/ VCDs winasak sa Subic Bay

SUBIC BAY FREEPORT – Tinatayang aabot sa P 3 milyong piratang mga digital video disc (DVD) at video compact discs (VCD) na nakumpiska ng Bureau of Customs (BoC) ang winasak kamakalawa ng hapon.

Ang pagwasak sa 80,000 pirated VCDs at DVDs ay sinaksihan nina BoC-Port of Subic District Collector Atty. Arnel Alcaraz at Customs Commissioner Antonio Bernardo, na bahagi ng sunud-sunod na pagkakumpiska ng mga ahente ng Enforcement and Security Service-Customs Police District (ESS-CPD) sa pangunguna ng bagong promote na si CPD commander Special Police Major Elpidio "Sonny" Manuel.

Ayon kay ESS-CPD Chief for Operations Capt. Marlon Alameda, ang epektos ay mula Malaysia at dumating sa Freeport lulan sa eroplanong Federal Express.

Napag-alaman na walang mga kaukulang dokumento para sa mga smuggled items kung kayat kaagad na kinumpiska at sinasabing nakatakdang ipuslit ang mga ito palabas ng Freeport upang ikalat sa ilang bahagi ng Metro Manila.

Bago ang pagwasak sa mga CD’s ay pinangunahan din ni Commissioner Bernardo ang pagbubukas ng mga bagong tanggapan ng BoC-Port of Subic sa building 303 at 307 Canal Road, Subic Bay Freeport Zone na siyang ipinagkaloob ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman Felicito Payumo.

Dumalo rin sa pagpapasinaya ng bagong opisina ng BoC sina Congresswoman Mitos Magsaysay, Olongapo City Mayor James "Bong" Gordon Jr., at mga opisyal ng nasabing ahensya. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments