Ayon sa mga residente rito, tatlong beses ang bolahan ng jueteng sa isang araw, subalit lumalabas na anim na beses ang kabuuang bilang ng pagbola dahil dalawang grupo naman ang humahawak ng jueteng.
Sa kabila anila ng takdang araw na palugit upang walisin ang jueteng ay patuloy pa rin at regular ang pangongolekta ng mga kubrador at mga jueteng operator.
Ayon kay Ka Mando (isa sa mga residente rito na ayaw magpakilala), may dalawang uri ng jueteng na nilalaro ng mga residente rito, ang tinatawag na "bago" at ang "luma" na di umano ay pinapatakbo ng dalawang malaking politiko kung kayat patuloy pa rin ang operasyon.
Maliban sa lungsod ng Santiago ay patuloy din at walang pinagbago ang operasyon ng jueteng sa bayan ng Cordon Isabela, ang bayan na nasa pagitan ng dalawang jueteng free na lalawigan, ang Quirino at Nueva Vizcaya.
Muli ay nagbigay ng babala si Padaca kay Senior Supt. Napoleon Estilles, police provincial director, na ipagpatuloy nila ang laban sa nasabing sugal. Iginiit pa niya na di siya makiki-alam sa kung paanong paraan disiplinahin ni Estilles ang kanyang mga chief of police na ayaw sumunod sa kanyang kautusan, ngunit may kalalagyan ang mga ito sakaling mabigo silang sugpuin ang jueteng sa buong lalawigan.
Iginiit naman ni Estilles sa kanyang mga opisyal sa naganap na provincial command conference sa Isabela-PNP headquarter ng Ilagan, na kanyang sisibakin ang mga chief of police na hindi susunod sa nasabing kautusan. (Ulat ni Victor P. Martin)