Holdaper napatay ng pulis

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Isa sa dalawang lalaki na posibleng sangkot sa holdapan ang kumpirmadong napatay ng dalawang nakamotorsiklong kagawad ng pulisya makaraang makipagbarilan sa Barangay Angustia Nabua, Camarines Sur kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang napatay na holdaper na si Dante Bullag ng Barangay San Roque, Iriga City. Lumilitaw sa pagsisiyasat na ang dalawang pulis na sina SPO1 Argarin at SPO1 Ruben Aguila ay lulan ng motorsiklo at hinarang ng dalawang lalaki sa pag-aakalang mga sibilyan. Subalit nakatunog ang mga pulis na may masamang balak ang dalawang lalaki dahil may hawak na mahabang baril kaya inunahan na nila ng putok hanggang sa makipagbarilan na ang dalawa at bumulagta ang isa habang ang isa naman ay tumakas. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments