1 patay,3 pa sugatan sa amok na mister

Camp Crame – Pinagtataga hanggang sa mamatay ang isang lalaki habang tatlo pa ang nasugatan matapos na mag-amok ang isang Mister nang akusahan ng kanyang mga kainuman na aswang ang kanyang misis sa Estancia, Iloilo kamakalawa.

Halos nagkaputul-putol ang katawan ng biktimang si Norlito Mesonia, 31- anyos at residente ng Brgy. Bulakenya, Estancia ng nasabing lalawigan.

Ang mga grabeng nasugatan ay nakilala namang sina Rudy Mesagon at dalawang tinukoy sa pangalang Omi at Tolendong.

Maging ang suspek na si Rolando Gregorio ay nilalapatan rin ng lunas ngayon sa pinakamalapit na pagamutan matapos na magtamo rin ng sugat sa katawan.

Batay sa ulat, ang insidente ay naganap habang nag-iinuman ang suspek at kaniyang mga kabarkada kung saan ay nagalit ang una ng biruin siya ng kanyang mga kaibigan na aswang ang kaniyang misis.

Agad umanong kinuha ng suspek ang kaniyang itak at pinagtataga ang mga biktima. Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang nasabing kaso. (Ulat ni Angie de la Cruz )

Show comments