ANTIPOLO CITY – Isang 28-anyos na barangay tanod ang kumpirmadong pinugutan at namatay ng sariling kaibigan habang naglalaro ng pusoy sa Barangay Bagong Nayon ng lungsod na ito kamakalawa ng gabi. Ang biktimang nakalaylay ang ulo sa likurang bahagi ng katawan ay nakilalang si Fernando Aloba ng Sitio Villa Yñarez, samantalang tinutugis naman ang suspek na si Romeo Tagoon. Base sa inisyal na pagsisiyasat, nairita ang suspek sa pagiging makulit ng senglot na biktima habang naglalaro ng pusoy, subalit paulit-ulit na ginawa kaya naman tinagpas na ang ulo para manahimik.
(Ulat ni Edwin Balasa) 3 patay sa karambola ng sasakyan |
BAGABAG, Nueva Vizcaya – Tatlong sibilyan kabilang ang dating hukom ang kumpirmadong namatay sa naganap na karambola ng tatlong sasakyan sa kahabaan ng national highway na sakop ng Barangay Lantap, Bagabag, Nueva Vizcaya noong Huwebes, Hunyo, 17, 2004. Kabilang sa nasawi ay nakilalang sina: Atty. Renato Mercado, dating hukom sa Quirino Municipal Trial Court; ang mag-utol na Sandy Joy Aguilar, 19 at Maggie Mae Suarez, 29, ng Barangay Villa Coloma. Sugatan naman sina: Jeffrey Foy-awen at Jason Lab-as ng brgy. Lanao, Bontoc, Mt. Province. Base sa ulat ng pulisya, Nagkarambola ang tatlong sasakyan kabilang ang minamanehong kotse ni Mercado na sumalpok sa poste samantalang inararo naman ang mag-utol ng Isuzu Jitney habang nakatayo sa waiting shed.
(Ulat ni Victor Martin) P.5-M ari-arian tinupok ng apoy |
PIO DURAN, Albay – Aabot sa P.5 milyong ari-arian ang nilamon ng apoy matapos na masunog ang karinderya, sabungan at isang bahay sa Barangay Caratagan sa bayang ito kahapon ng madaling-araw. Bandang alas-2:30 ng madaling-araw nang masunog ang Pio Duran Sports Cocpit Coliseum at karinderya at bahay na pag-aari nina Rudy Sariola at Melchor Pepito. Wala naman iniulat na nasawi o nasugatan sa naganap na isa’t kalahating oras na sunog dahil sa maagap na responde ng mga pamatay-sunog mula sa Ligao City, Guinibatan at iba pang karatig pook.
(Ulat ni Ed Casulla)